John Romeo Venturero
Ang sabi,
sa dalawampu’t isang araw,
makabubuo na ng habit.
Higit daang araw-gabi na tayong nakapinid,
kaya’t praktisado na ako kung saan ididikit
ang hati kong pisngi ng binubuo nating puso.
pati ang tamang pagnguso,
iyong sigurado ang tama,
sa inilapat mong labi
sa hagganan ng iyong screen.
Ganito na ang umibig,
sabi ko sa sarili,
gabi-gabi.
Kung may nalalabing tiyak,
sa panahong ito,
iyon ay ang ‘di ko nais
ang nauunang magpaalam.
May gusto pang pag-usapan:
mga librong tanim sa background,
mga bagong biling halaman,
silang hiling ko sana’y tumagal
tulad ng aking titig
sa nagfreeze mong tawa
nang suminghap-singhap
ang signal.
Alt+PrtScn
Sa sandaling iyon ko nais magtagal-
humiga at umidlip
sa lundo ng iyong labing
tataluntunin ng aking daliri,
nanginginig,
marahil sa pagod ng work from home,
o sa pagpupumilit
matuto ng bagong skill,
mag-isa
O sa pagkabalisa,
‘di kaya’y sa galit
sa paulit-ulit na takbo
ng mga balita.
Doon,
Panandalian,
Ako ay hihinga.