Francisco Montesena
Angono, Rizal

MAY PUMUTOK NA BULKAN SA DIBDIB KO nang sabihan ng isang co-teacher na buksan ko ang aking email. Tinanong ko siya kung tungkol saan dahil sigurado akong nabasa na niya ang sa kaniya. Lahat ng teachers ay pinadalhan ng memo sa email. Hindi siya sumagot. Tahimik siya.

Nabahala ako na talagang importante ito dahil ganoon ang emosyon sa chat ng kausap. Kahit hindi ko naririnig ang boses niya ay naramdaman ko ang lungkot. Inulit ko ang tanong at sabi niya ay mas magandang mabasa ko. Nagsisimula ko pa lang basahin ay may kung anong kumukulo na sa dibdib ko. Termination letter.

Kaya pala pinilit akong magpalit ng status mula pitong taong full-time at ginawang part-time. Hindi man ako pumayag noong una dahil sa malabong rules on permanent status, na dadagdagan ang teaching hours pero walang salary adjustment, ay wala din akong nagawa. Inisip ko ang kalusugan. Baka mas ma-high blood pa ako. Tinanong ko ang sarili kung dito ba matatapos ang ginawa kong pagsisilbi? At nagtatanong muli na ganito na ba ka-impormal ang pagtatanggal ng empleyado? Galit ako. Hindi ako makapag-isip nang kritikal. Nauna ang emosyon kong dehado ako at may mali sa paraang ginawa ng school.

Katatapos pa lamang ng prelim exam. Naghanda na ako ng mga piling paksa para sa midterm lessons. Ganoon ako lagi. Pinipili kong maging sulit bawat klase sa akin ng mga bata. Pinangungunahan ko na sa isip na hindi sila dapat mashort change sa taas ng tuition sa isang pribadong eskwelahan gaya ng sa amin.

Kung hindi kasi nakapaghanda ng lesson ay parang sumasabak ang guro sa digmaan na walang dalang armas. Maraming matalinong bata ang marunong magsuri ng nakukuha nilang dunong mula sa guro. Kung hindi nila magustuhan ay rant agad sa social media ang ginagawa. Nagiging takbuhan ang Facebook sa mga hindi masabi nang harapan sa guro. Maingat ako sa ganito. Matagal kong iningatan ang pangalan kaya hindi ako tumatanggap ng anumang regalo na sa palagay ko ay may kapalit. Hindi rin ako sumasama sa pag-aaya ng meryenda. Laging may distansiya at iniingatan ang posisyong hindi mabahiran ng masamang pagtingin.

Laging nasa isip ko ang mga linyang ito kaya ibinuhos ang dedikasyon sa pagtuturo.

                                                  “This is the real secret of life — to be completely engaged with what you are doing in the

                                                           here and now. And instead of calling it work, realize it is play.”

                                                              – Alan Wilson Watts

At sa ganito ay ramdam kong nakuha ko ang mataas na respeto ng marami sa akin. Kung inis tayo ay siguradong mauunahan tayo ng damdamin bago makapag-isip nang maayos. Ganito din ang nangyari sa akin. Dahil kami-kami lang na mga naapektuhan ang nagtatanungan at sumasagot na walang tiyak na sagot dahil biglang tumahimik ang dean at school director pagkatapos ng email ay Facebook din ang naging hingahan ko ng sama ng loob. Tila naghahanap ng kakampi.

Nang mai-post ko ang mga sariling rant ay marami rin pala ang nasa ganitong danas. Maraming guro pala kaming tinanggal na ang naging rason ay ang pandemya. Nanlambot ako sa mga nabasang pagkawala ng tiwala sa sarili, ang mga paninisi sa mga nangyari, ang kung paano hihingi ng ayuda at tulong. Dalhin ko raw sa DOLE. Naisip kong hindi mabibigyan ng pansin ang reklamo ko kung mayroon man dahil mas prayoridad nila ang SAP release. Hindi ko rin alam kung paano magsisimula at sino ang lalapitan.

Magsisiyam na taon na dapat ako nitong Hunyo 2020 sa pagtuturo. Umalis na halos lahat ng kasabayang guro na pumasok dito. Bibihira ang tumatagal sa isang pribadong eskwelahan. Inaagaw ng oportunidad sa pampublikong paaralan na mas mataas ang benepisyo at protektado ng batas. Matagal na akong pinipilit ng kapatid kong guro din na mag-apply sa public school at sa probinsiya na magturo. Hindi ako licensed teacher. Accountancy ang undergraduate course. Masterado sa Management kaya umubrang magturo sa kolehiyo na business subjects ang hinahawakan.

Para makapagturo sa public school ay kailangang kumuha ng ilang units sa CPE na halos tatagal pa din ng dalawang semestre. At kailangan pang magreview for LET exam at ipasa ito. Hindi na yata kakayanin ng powers ko. Sa edad na mahigit singkuwenta ay ramdam ko nang hindi na ako kasing liksing kumilos gaya noon. Marami na ring iniindang sakit sa katawan. Gusto man ng isip ay pinahihina ng restriksyong ganito.

Binuksan kong pilit ang email na halos alam na ang nilalaman nito. Pero nabigla pa rin sa bilis ng mga pangyayari. Ganoon pala ang pakiramdam na tila hinablutan ka o inagawan ng araw-araw mong ginagawa. Confidential ang unang salitang nabasa ko. Hindi ito katulad ng mga regular memos na tungkol lang sa mga activities, schedules or mga utos ang laman. Sa haba ng mga sinasabi doon ay tumatak sa akin ang “You are not required to come to class due to the pandemic, …” Halos hindi ko natapos ang pagbabasa ng email. Pakiramdam ko ay kasingdulas lang ng isang malamig nang patatas ang pagbitaw nila sa amin. At dahil ito sa pandemya.

Kahit noon pa lamang ay nahulaan ko nang sa ganito ang tungo ng teaching methods sa eskwelahang ito. Pioneer kami sa blended learning at online module na taon nang ipinatutupad sa amin samantalang ngayon pa lamang ipinakikilala sa ibang schools lalo na sa public. Parang nahulaan ng school na darating ang mga oras na ganito. Pinalakas ko ang loob sa isiping hindi naman siguro makapagkaklase nang walang guro. Na hindi uubrang puro modules at lessons lang. Mali ako. Advantage na sa mga dating students ang bagong prosesong ito na ipatutupad. Hindi sila maninibago. Nagkamali ako na hindi kayang magtanggal ng mga guro sa new normal form ng education ngayon.

Sa pangkalahatan, habang papalapit ang pinipilit na school opening ay lumalabas ang maraming problema. Numero uno ang kung paano patatakbuhin ang klase na di isinasaalang-alang ang kalusugan ng mga bata. Hindi pa malalaman ang resulta ng no face to face na klase hanggang di nasisimulan ang full online scheme. May mga modules at written lessons para sa mga di makasasabay dito. Ibang usapan pa ang sinasabing kulang na kulang sa preparasyong ang bigat ay napunta sa balikat ng mga guro. Paano din ang kalusugan ng mga guro na walang ibinibigay na hazard pay ang gobyerno. Napakaraming pasanin ng mga guro lalo na sa publikong eskwelahan lalo na sa module development. Kaya kung may mabasang status na laban sa mga guro ay ganoon ko na lang ipagtanggol.

Ang taas ng emosyon kong halos makapagmura sa nangyari. Ganoon lamang kadali na bitawan ang isang loyal at maaasahang gurong gaya ko. Inisa-isa ko ang mga nagawang pagsisilbi. Kahit may sweldo o bayad ang mga oras ay higit pa sa presyo ang naibigay ko.

Hindi ako naniningil. Hindi ako nagpapasaring. Ganito yata talaga kung naghahanap ng katwiran kung may nagagawa sa ating mali. Agad kong tinanong ang mga kapwa guro kung nakatanggap din sila ng parehong email. Lahat kami. Pare-pareho kami ng nararamdamang panghihina. May kani-kaniya kaming expertise sa pagtuturo. At masasabi kong higit sa pagtuturo ang naibibigay namin sa mga estudyante. Wala kaming nagawa kung hindi magtanong ng alam naming walang tiyak na sagot. Halos mga bata pa ang mga kasamahan ko kaya napakalaki ng tsansang makapagtrabaho pa. Nalulungkot ako para sa sarili dahil sa edad at takot na di na makabalik sa pagtuturo.

Natutuhan ko nang mahalin ang pagtuturo kahit noon ay di sigurado dito dahil sa tagal nang pagtatrabaho sa corporate world. Mahigit dalawampung taon akong nag-opisina bago magturo. May nagsabi na sa akin na may potensyal akong maging guro dahil may sense of command ako at sinusunod ng tao. Sa tagal ko sa pagtatrabaho ay halos nagamay ko na ang lahat ng ugali ng mga tao kaya’t kaya kong mag-blend sa lahat kahit laging sinusumpong ng insecurities. Nang magsawa sa buhay-opisina ay noon ko sinubok kung tama na pwede ako sa opisyo ng pagtuturo.

Akala ko mahalaga ang loyalty kasi itinuturo nating mga titser itong natatanging ugaling ito. Na kapag nagmahal ka, dobleng pagmamahal ang babalik. Yung dapat mahusay at maayos sa trabaho para makita nilang good model ka sa mga bata. For nearly nine years ginagawa ko ito. Nagkamali ba ako?

Over the radio ang isang DOLE representative ay nagbigay ng simpleng rason para sa hindi pagkakatanggap ng financial assistance ng marami. Sabi niya ay ” Wala na pong budget.”
Nanghina ako.

Paano ang ibang mas higit pa ang sitwasyon sa akin? Maaari din kayang sabihin sa nagugutom nilang mga anak na wala na kasing budget ang gobyerno. May mababasa pang huwag iasa lahat sa gobyerno. Paano kung limitado ang kilos ng lahat? Talagang lalabas para gumawa ng paraan. May magsasabi pang sana “nag-ipon kayo noon.” Ano ang iipunin sa kulang pang sweldo? Talagang pakainin na lang, o ano ang ipakakain ng mga no work no pay na tulad ko lalo’t patagal nang patagal ang lockdown.

Oktubre ang susog na pagbubukas ng klase kaya ilang buwan pang nganga. Nasaan ang ayuda? Hindi pwedeng umasa sa mga press releases. Nakalulungkot ang mabuhay sa panahong ito. Pero kailangang palakasin ang loob. Patatagin sa kung ano ang pwede pang gawin. Ang inaalala ko’y kahit lastiko, hindi nababanat nang todo-todo. At wala na nga yata akong babalikan na di hanggang ngayon ay di matanggap ng loob.

Nang mahimasmasan ay naisip ko rin sa pagtitimbang na kailangan pa ba ang manisi? At sino ang sisisihin? Lahat halos sa buong mundo, hindi lamang sa Pilipinas ay apektado. Hindi lamang ang edukasyon ang napakalaki ang epekto ng krisis na ito. Lalo pang nadaragdagan ang stress kapag may mga nababasang status na inilalagay ang mga guro sa maling larawan. Tila ang guro ang may kasalanan, na huwag daw paswelduhin kung idedelay pa ang pasukan. Kahit hindi ako nasa public teaching ay parang pinipitik din ang ilong ko kaya’t todo ang pagtatanggol kung may mabasang ganito. Doon nga sa naipost na viral rant ng isang direktor na pinagmukhang kawawa ang mga guro sa labis na pagmumura ng pumapel na estudyante, hindi ko pinalampas.

Bilang manunulat ay ginawa kong armas ang panitik para sagutin ang sitwasyong inilabas at ipinakalat. Naisip kong ang negatibo ay di dapat labanan ng negatibong sagot. Sumulat ako ng tula na naglalarawan sa sitwasyong reyalistiko higit sa ipinakita sa maikling pelikula na nag-viral at obvious na ito ang gusto ng director. Nasa baba ang isa sa mga pinili kong sagot sa viral video:

                    Panulat, Panukat, Pangmulat

                    Sorry po Titser.
                    Wala po akong laptop.
                    Walang cellphone.
                    Walang load na pambayad.

                    Kahit po pambili ng bolpen
                    ay pahirapan pa
                    na ihingi kay Nanay
                    Cellphone pa po ba?

                    Yung pambaon ko po
                    ay tirang tutong,
                    Ang ulam ay asin
                    kung di man kangkong.

                    Sabi po nila ay ready na daw
                    kami’y magbabalik
                    na may bagong pananaw.
                    Ngingiti sa screen,
                    Tututok sa aralin.
                    Pero paano po kami,
                    nasa bahay na marupok.
                    Walang ilaw kundi gasera.
                    Kakayanin po ba?

                    Kung sasabihin po
                    na di naman pamimilit,
                    na may alternatibong
                    pinakakayang pilit.
                    Sagot ninyo man ang lesson
                    na naka-print na sa papel,
                    Sino po ang tatayo
                    sa bahay na titser?

                    Ang Nanang ko po
                    ay di na magkandaugaga
                    sa pagtulong kay Tatang
                    magtinda sa labas.
                    Ang Ate at Kuya ay gaya ko rin
                    na pinoproblema
                    ang mga aralin.

                    Sabihin ninyo po
                    at aking gagawin.
                    Birtwal. Birtwal.
                    Ano pong ibig sabihin?
                    Huwag pong madaliin
                    ang lahat sa amin.
                    Bata at bungog pa
                    sa dami ng aaralin.

                    Hindi po ito pagrereklamo.
                    Kung may paraang maiigi
                    ay ipaliwanag ninyo.
                    Birtwal. Birtwal po ba?
                    Ano nga po muli ito?
                    Babalik lamang ako sa lesson
                    na nasa papel ninyo.

                    Pero sana ay huwag mapapagod
                    sa paghahatid nito sa loob
                    ng giri-giring bahay ko
                    na walang laptop, cellphone,
                    o kuryenteng pang-adorno.

Dinadalaw ako madalas ngayon ng lungkot sa posibilidad na hindi na makabalik sa pagtuturo. Upang hindi malunod sa depresyon ay pilit kong isinusubsob ang sarili sa mga activities na makadadagdag sa aking kakayahan – web seminars, pagsulat ng kuwento, sanaysay at tula, pakikipag-usap sa itinuturing kong support group at higit sa lahat ay patuloy na pag-aalaga sa nobenta anyos kong nanay. Mas rewarding ang mga ito kaysa maging negatibo sa ganitong panahon na napakabilis maging masama at bumali ng prinsipyo at paniniwala.

Kailangang pilitin kong hawakan ang natitira kong hinahon kung hindi ay lalamunin ako nang buong buo ng depresyon. Ang depresyong nakukuha kung nawalan o mas higit kung tinanggal sa trabaho. Lalo at maririnig pa sa balita ang mga insensitibong pahayag ng mga taong siya dapat ang naninimbang sa mga sitwasyong ganito. Tunay, hindi survey ang susukat ng dalamhati ng mga nawalan ng maraming bagay ngayong pandemya – trabaho, relasyon, lalo’t higit kung buhay ng mga minamahal. Hindi na nakikilala ngayon ang makatwiran at makatarungan. Survival of the fittest. Matira ang matibay at lumalabas ang natural sa mga tao.

Gusto kong makita ang magandang kinalabasan ng pandemyang ito. Ngunit nadadaig ako ng pagkabahala na di na magawa ang kinamihasnan. Nami-miss ko ang mga students at mga kasama. Mataas ang level ng takot at pag-aalala sa “kung paano na sa mga susunod na araw”, sa tuwing di ko maiiwasang maramdaman ang pagkabalisa sa mukha ng mga nakikita sa labas ( dahil maraming gabing tiyak an hindi tayo pinatutulog ng mga alalahanin ng mga posibleng mangyari lalo at hindi tiyaka ng mga tulong at tutulong), kahit pa sabihin ko sa sariling wala naman akong pamilyang binubuhay.

Kahit pa sabihing mas mabuti ang lagay ng tulad kong sarili lang ang iniisip ay malaking pagkakamali sa mga nag-iisip ng ganito. Kailangan pa ring isakatawan ang maraming larawan ng mga taong paroon at parito para mahanap ang silbi lalo sa panahong tulad ngayon na sinusukat ng krisis ang maaari pang magawa para sa iba.

Mas higit ang takot kong sa 27 milyong Pilipinong walang trabaho ay pareho lang ng sitwasyon ko ngayong nakararamdam ng paghihigpit ng sinturong dati naman ay di sinusuot.. Mas marami sa kanila, wala nang magiging pakialam na ibaba ang mga pride at tatanggap na ng kahit anong trabaho basta may pagkakitaan. Marami sa kanila ang namamalimos na rin ngayon.
Ngunit kailangan nating huminga. Laging iniisip na marami pa akong magagawa na hindi hahadlangan ng edad. May ilang taon pa akong bubunuin para maging senior citizen. Nakatatakot mang isiping may milyon-milyon ngayong naitutulak na mag-isip na “kumapit na sa patalim” dahil sa mga nangyayari at kakulangan ng suporta, hindi dapat ang kawalan ng trabaho ang magdidikta ng ating pagkatao. Hanggang may lakas at kayang kumilos at buhay ang apoy sa dibdib na makababalik pa sa pagtuturo o sa kung anomang inilaan sa akin ay hindi ako nawawalan ng pag-asa.

About the Author

Francisco A. Montesena is a professor with a master’s degree in Management. He is a published author and has won awards for his works. A writing fellow to the 8th USTNWW, ika-5 Palihang Rogelio Sicat, 55th UPNWW and the 3rd Nueva Ecija Personal Essay Writing workshop, Montesena is a member of LIRA, Angono Tres-Siete Poetry Society and Hulagway. His works have been published by Liwayway, Phil. Graphics, CCP Ani and LIKHAAN Journal.