Kristin S. Bernardino

Ikulong mo ang bawat takot sa bisig mong matatag.
Iduyan mo ang bawat pag aalinlangan sa himig ng iyong katapatan.
Idaan sa titig ang bawat pangungusap upang maging panatag.
Mga luhang saksi ay unti-unting babanayad.

Sa bawat araw na lilipas sa apat na sulok ng karamdaman,
Ay sisibol ang bagong pag-asang iyong ipinunla.
Marahang hakbang at matang malamlam,
Ang uukit sa titig mong walang panghuhula.

Akayin mo ang karamdaman patungo sa maginhawang hagdan.
Sa bisig mo pipiliing sumugal,
Dahil walang pag- aalinlangan mong paglilingkuran.
Tapat sa tungkulin at pangako. Kapit-bisig tayong hindi susuko.