Kyle Aristophere Atienza

Abril, tuluyang nangalahati ang pihit Ng mundong kaytagal nang nilulukob Ng mga delubyo, ng mga salot,
Ng mga gumuguhong pag-asa sa sansinukob.

Nagbuntong hininga ang hangin
Tila hinipan ang mga kandila sa altar.
Dumilim, nanahimik ang paligid
Kasabay ng paggunita sa minsang namatay sa lupa.

Sa gitna ng kawalang kapanatagan,
Sa mundong naghihingalo, nananamlay
Mula sa kaniyang pasyon hanggang pagkamatay, Nililirip: S’ya nga ba’y muling nahihimlay, nawawala.

Wala bang semana santa
Kung sya’y nag-aayuno’t nagpapagal
Sa harap ng mga luhaan sa pagamutan
Sa sakahan, lansangan, engklabo’t pagawaan?

S’ya ba’y hindi nagpepenitensya sa mga maralitang komunidad?
Hindi ba’t inaala-ala ang Kaniyang pagbagsak sa daan sa krus
Sa mga bumabagsak sa pagod at tuluyang pagkamatay sa mga ospital?
Buhay S’ya, nasa hanay ng mga unang-hanay.

Wala ba ang mga Simon ng Cirene
Na buong kababaang umalalay kay Kristo sa daan sa krus
—Ang mga drayber ng ambulansya, mga guwardiya
Ang mga tagahila ng wheelchair patungong ICU?

Wala bang semana santa sa kalsada
Kung buhay si Veronica
—Ang mga nars at iba pang manggagawang pangkalusugan
Na patuloy sa taimtim na pagpunas sa luha’t pawis ng mga may sakit?

Malayo sa hindi mapanatag na lungsod
Gaya ng kaniyang dusa sa Herusalem
Si Hesus rin ay nakayuko sa kanayunan — sa mga sakahan, kabukiran, kabundukan
Upang magpakain sa buong sambayanan sa kaligitnaan ng gutom at uhaw.

Naroon si Kristo sa mga pamilihan,
Bagama’t pagod, may sigla pa rin ang mga mata.
Siya’y ag-aabot ng sukli, nagpapakete ng mga kailangang supply
‘Di alintana ang peligro ng kapaligiran.

Siya’y muling bumaba sa lupa:
Masdan ang pagbaba sa trak ng mga mabababang loob
Upang mula umaga hanggang tanghali’y
Linisin at tangayin ang tumpok ng mga basura sa bawat sona.

Walang mga prusisyon, Sarado ang mga simbahan,
Walang mga binihisang santo sa kalsada, Ngunit lalabas at lalabas si Kristo.

Sasalubong s’ya sa mga nagluluksa,
Walang alinlangang tatanggapin ang lahat.
Negatibo man o positibo,
Siya’y dadamay.

Naka-face mask s’ya at nagtitiyaga,
Halos isang linggong kalbaryo’y tinatapos.
Nagpapagal, ngunit nagpapatuloy
Hindi napipiit sa pangamba.

Hindi S’ya maikukulong sa altar,
Kailanman ay hindi mabibilanggo ang kaniyang pag-ibig.
Presensya niya’y lulundag sa mga pader,
Mamamasdan sa sanlibong mukhang nakabelo

Mahal pa rin ang mga araw;
may nagmamahal, huwag mabalahaw.

[Ang tulang ito ay paglilimi at repleksyon hinggil sa nakaraang Semana Santa sa gitna ng pandemya.]