Ana Genesis Joy Salvador
Bay, Laguna

Mac Andre R. Arboleda
San Pedro City, Laguna

Bawat semestre, palaging inaabangan ang Zine Orgy sa Los Baños, isang publishing expo para sa mga independent artists at kolektib. Bilang punong abala at minsa’y naging punong abala ng isa sa mga pinakamalaking ganap para sa manlilimbag ng zines dito sa Laguna, iba ang pakiramdam na ngayo’y hindi kami busy sa pag-oorganisa nito, na kadalasa’y tumatapat sa tinatawag naming Hell Week ng klase.

“Hell Week” kasi papatapos na ang semestre, at sabay-sabay sa iisang linggo ang pasahan ng mga final project pati mga pagsusulit, na minsa’y apat na beses nagaganap sa isang araw.

Tuwing “Hell Week” namin tinatakda ang Zine Orgy hindi dahil masokista kami, kundi dahil matindi ang paghahanda para sa event na ito: umaabot ng ilang buwan para makahanap ng organisasyong tutulong sa amin, venue, at mga publishers or “zinesters” na gustong lumahok sa aming expo. Wala pa diyan ‘yung marketing at promotions, pagbenta ng mga tiket na nagkakahalagang sampung piso, pag-imbita sa mga guro at miyembro ng komunidad, at iba’t-iba pang logistics.

Sa mga ganitong panahon, naaalala namin si Kuya Jeff, na siyang bayani ng komunidad pagdating sa paglilimbag sa Los Baños. Maraming pa-printan dito sa Los Baños pero itong Best Print na pagmamay-ari ng aming bespren na si Kuya Jeff ay talaga namang pinipilahan ng mga estudyante lalo na ng mga artista’t manunulat na nagbabalak maglabas ng kanilang zines o iba pang artwork sa mga art events tulad ng Zine Orgy. Bukod sa mga academic works, org letters, at tesis na kaniyang piniprint araw-araw, tanging Best Print ang pinakamagaling pagdating sa pagpiprint ng mga zine: malinis, mabilis, at tama ang pagkasunod-sunod.

Ang nakakalungkot, sa dami ng ginawang zines ni Kuya Jeff at ng Best Print para sa Zine Orgy, ni hindi pa siya nakadadalo sa event na ito. Ni minsa’y hindi pa niya namasdan ang mga reaksyon at kung gaano karaming tao ang bumibili ng mga zine na, kung tutuusin, ay kaniya ring likha. Pano ba naman, sa mismong gabi ng Zine Orgy, may mga artistang last minute pang nagpapaprint para umabot sa expo– ang expo na, ilang buwan pinagpaplanuhan, pero umaabot lamang ng lima o anim na oras (depende kung gaano karaming beer ang binebenta sa venue), at anim na buwan ulit bago muling ganapin.

Buwan ng Marso noong inanunsyo na ihihinto na ang pisikal na klase dahil sa COVID-19. Nakikipag-usap na kami sa isang organisasyon para planuhin ang gaganaping ika-sampung Zine Orgy sana nuong Mayo. Mula 2015 hanggang 2019, sunod-sunod na semestre naming inilunsad ang Zine Orgy, na naging tahanan ng napakaraming independent publishers dito sa Laguna.

Hindi kami makapaniwala na ang isang Hell Week ng paghihintay kung makababalik sa dati ang situwasyon ay umabot ng Hell Months– at mukhang may tyansa pa maging isang buong taon o higit pa. Lumagpas na ang itinakdang petsa para sa Zine Orgy 10 at ang panahon ng pagpaplano sa sana’y Zine Orgy 11 na gaganapin dapat sa parating na Nobyembre.

Masakit makatanggap ng mensahe sa mga kapwa artists na nagtatanong, “Tuloy kaya yung Zine Orgy this year?” May isang beses na nahuli namin ang sariling nagsisinungaling at nagrespondeng, “Ah, baka sa summer na lang. Tingnan natin!”

Dahil ang anumang pagtitipon ay hindi namin masisigurong ligtas, at ang Los Baños ay isang university town kung saan hindi umuuwi ang mga estudyanteng mga residente na rin, hindi na namin maisip kung kailan pa ulit mailulunsad ang event na ito.

Nakakalungkot mang isipin ang sitwasyon, hanga pa rin ako sa komunidad na nabuo ng Zine Orgy. Dati, mapapansin naming walang masyadong oportunidad para sa mga arts at literary organizations sa Los Baños para magtipon-tipon. Noong mga unang paglunsad ng Zine Orgy, kaunti pa lamang ‘yung may kayang ibigkas ang salitang zine; mas alam pa nga nila ‘yung salitang orgy. At kahit kami, naalala pa namin ‘yung panahong inakala naming hinding hindi kami makapaglilimbag ng aming sariling gawa.

Pagkalipas ng ilang Zine Orgy, napansin namin ang puwersa ng event na ito, hindi lamang sa pagbibigay ng kakayahan para sa mga walang karanasan sa paglimbag o paggawa ng art patungo sa kulturang DIY (o do-it-yourself), ngunit pati sa layunin nitong magbigay-pansin sa iba’t-ibang mga isyung panlipunan. Pansin na pansin ito sa mga laman at porma ng zines o librong naililimbag, pati na rin sa mga programang nailunsad ng mga nakaraang Zine Orgy.

Kaya’t hindi na rin nakakagulat na ang mga artista’t manunulat na naglilimbag noon para sa isang publishing expo, ay ngayon nama’y binibigay ang kanilang oras para sa relief efforts, advocacy work, at mga alternatibong publikasyon na layuning magpayahag ng mahalagang impormasyon sa mga komunidad.

Noong mga unang buwan ng lockdown, nabalitaan kong sina Kuya Jeff ay tumutulong magprint para sa lokal na relief groups dito sa Los Baños, kasama ang ibang mga printer na gumagawa ng flyers at iba pang materyales na kailangang kailangan ng mga tao ngayon, lalo na’t hindi lahat ay may kakahayang mag-internet.

Gustuhin man naming maglunsad ng Zine Orgy na online, hindi nito mabibigyan ng hustisya ang naging tradisyon na malawakang pagtitipon ng mga manlilimbag at mga mambabasa. Isa lamang sa maraming dahilan para ma-miss ang Zine Orgy, ay ang pagkakataong ibinibigay nito para makapag-usap ang mga manlilikha at ang mga tumitingin ng kanilang zines.

Sabi nga minsan ni Ana, “Nakakaengganyo bumili kapag nakakausap mo mismo ang artists,” habang naglilibot sa venue.

Hindi niya inakalang ‘yung huling beses na pala niyang mararanasan ang Zine Orgy ay noong umuwi siyang Los Baños mula Metro Manila– kung saan siya nagtatrabaho– para lamang tumingin ng zines noong Zine Orgy 9.

Para kay Mac, nakakagulat isiping ‘yung kinaiinisan nya dating sobrang sikip na venue dahil sa dami ng tao ay kaniyang mamimiss ngayong pinaparusahan na ang hindi marunong mag-social distancing. Malinaw na ang mga event na tulad nito ay pinapakitang ang paglilimbag sa komunidad ay hindi lang basta “pagbebenta ng zines” kundi isang uri ng pakikipagkapwa. Ang mga nililimbag ng mga manunula’t artista ay bahagi ng kanilang sarili na ibinabahagi nila sa iba, na nagiging bahagi rin ng aming mga sarili.

Pareho kaming wala na sa Los Baños, pero lagi naming iniisip ang mga ala-ala ng nakaraan; at wala na rin kaming ibang magawa kundi magsulat tungkol dito. Kailan kaya makakapunta ng Zine Orgy si Kuya Jeff?

~ ~ ~

Matapos ang pitong buwan ay nakauwi si Ana sa bahay nila sa Bay, Laguna. Si Mac naman ay nasa sa San Pedro, Laguna, malayo sa tinitirhan niya tuwing pumapasok siya sa unibersidad sa UP Los Baños.

Tungkol sa mga May-akda

Si Mac Andre R. Arboleda at Ana Genesis Joy Salvador ay parehong gradweyt ng University of the Philippines Los Baños at miyembro ng Magpies Press. Si Mac ay kasulukuyang freelance writer at editor para sa iba’t-ibang publikasyon na nakabase sa San Pedro, Laguna, at si Ana naman ay kasulukuyang tulog.