Mark Anthony S. Salvador
Magarbo sana, anak, itong kaarawan mo.
May malaking keyk at makukulay na lobo,
gaya ng sa ikapitong bertdey ng ‘yong diko.
Ngunit matulis ang mga kuko ng pandemya,
bata man o matanda ay sasakmalin niya.
Kaya ang bawat pamilya, sa bahay lang muna.
Ayos na muna itong sopas, pansit at tawanan.
Saka na muna, anak, ang magarbong handaan.
Ang mahalaga ay kumpleto tayong pamilya
at wala sa ating nakakagat ng corona.
May kulay ng lobo’t tamis ng keyk ang umaga.
Anak, sa ‘yong bertdey, meron sanang payaso,
gaya ng sa ikapitong bertdey ng kuya mo.
Magmamadyik siya, magsasayaw at sisirko,
at hahagalpak nang tawa’ng mga bisita mo.
Nar’yan sana ang ‘yong mga pinsan, tiya’t tiyo.
May pasalubong sana ang iyong lola’t lolo.
Subalit, anak ko, delikado sa kanila
ang pumunta rito magmula sa probinsiya.
Hindi nakikitang halimaw itong corona.
Mahal natin sila, at ayaw na madagit n’ya.
Makuntento muna sa videocall sa probins’ya.
Napuputol ma’ng usapan sa hina ng linya,
di napapatid, anak, ang pagmamahal nila.
Kawayan mo’ng ‘yong pinsan, sabihing ayos ka lang.
Bilinan mo’ng ‘yong lolo, na magsuot ng face mask.
Sabihan ang ‘yong tiya, ‘wag gano’ng mag-alala.
Mag-flying kiss sa ‘yong lola, sabihin sa kanya,
pag wala nang pandemya, dagli ang pagbisita.
Hindi man sila magsisirko o magmamadyik,
pangingitiin ka nila nang paulit-ulit.
Halika’t tawagin ang ‘yong mama, diko’t kuya.
Magpiktyur tayo kasama ng handa sa mesa,
espesyal na bertdey sa panahon ng pandemya.