Stefani J Alvarez
Al-Khobar, Saudi Arabia / Cagayan de Oro, Misamis Oriental

Kalagitnaan ng Marso nang ako’y makatanggap ng email memorandum mula sa aking pinagtatrabahuang kompanya. Naglayon itong alamin kung balak kong umuwi sa Pinas o mananatili sa Saudi Arabia, dahil sa napipintong total lockdown. Nadestino ako sa Saudi Electricity Company bilang Administrative Assistant sa kanilang Dammam Headquarters office. Matatagpuan ito sa Eastern Province Region, mga apat na oras na biyahe mula sa Riyadh, ang capital city. Marso 19 ang huling araw ko sa trabaho at may nalalabing dalawang araw upang magdesisyon kung magpapa-repatriate. Isa ako sa higit milyong OFWs na nagtatrabaho at naninirahan sa Saudi. Sa kasalukuyan, may 353 na bangkay na naghihintay na maiuwi sa Pinas, sa kasagsagan ng COVID-19 crisis.

Nakapagpadala na ako ng pera kay Mama sa Pinas, ngunit parang lockdown itong mga pangamba. Magdamag akong di pinatutulog.

Tumawag ako kay Mama. Nakibalita, at ipinaalam ko rin sa kaniya ang aking desisyon. Pagkatapos ng aming pag-uusap, binuksan ko ang aking bank account. May kaunti akong naitabi dahil sa planong pagbakasyon ko sana sa darating na Mayo. Tinatantiya ko ang available balance kung hanggang saan aabot ang aking ipon. Parang pagtantiya sa kung gaano kahigpit ang aking pagkapit sa katatagan at tinitingalang pag-asa.

“Makakauwi ka?” narinig kong muli ang pagtatanong ni Mama na naghihintay taon-taon sa aking pagbabalik-Pinas. Labindalawang taon na akong OFW.

Nilunok ko ang buntong-hiningang tugon.

Maaaring sabihin ng iba na ang isang tulad kong overseas worker ay nakalublob sa sariling kaligtasan at magandang pamumuhay sa ibang bansa. Nakahiga sa malambot na kama, de-aircon ang apartment, nakakakain sa resto, nakakapag-Starbucks, o kaya’y paminsang-minsang nakakapagbakasyon sa ilang tourist destinations. Pero hindi kailanman pagtakas ang pangingibang-bayan. Katulad rin ako ng milyon-milyong migranteng manggagawa na nakikipagsapalaran sa ibayong dagat. Hindi ligtas sa diskriminasyon at racism, sa patuloy na pakikipagbuno sa kahirapan, sa panganib ng ating panahon, sa malawakang krisis na dulot ng COVID-19. Sa araw-araw na napapanood at nababasang headline, gabi-gabing lagim at bangungot ang nambubulahaw sa akin. Dahil araw-gabi ang paglalamay sa ating pare-parehong kapalaran.

May travel ban. Kanselado ang flights. Isinilid ko sa maleta ang mga pasalubong at pag-aasam.

“Huwag ninyo na akong hintayin…”

Nakaupo ako ngayon sa harap ng aking laptop. Ang paglikha sa bawat kataga mula sa aking realidad at imahinasyon ay naging halos araw-araw nang ritwal na pagtipa sa keyboard bilang manunulat. At katulad rin ng pagiging isang OFW, alam ko ang bawat oras na inilalaan. Ang panahon ng aking pananatili rito ay nakasaad at naaayon sa aking kontrata. May ilang mga sandaling iisipin ko ang mga nais ko pang maaabot tulad ng pagtalakay ng isang manunulat sa kaniyang haraya at mga ideyang papakawalan sa papel. Tulad na lamang ng isang simpleng pangarap ng bawat OFW na makapagpadala ng pera sa kaniyang pamilya. Sa paraang ito, nailalapat kong magkaagapay sa mga pahina ang dalawang dimensiyon ng aking buhay. Ang pasyon ko sa pagsusulat at ang pakikipagsapalaran bilang OFW ay aking parehong niyayakap.

24-oras ang curfew. Mahigpit ang pagroronda ng mga pulis. Mahigpit ang implementasyon ng lockdown. Naririnig ko ang alingawngaw ng salah, at ang aking pag-aalala. Isang napakahabang gabi, sa isang napakalalim na katahimikan. Katahimikang nakamamatay.

Nagsusulat ako ng isang oras minsan o kaya’y naglalaan ng ilang minuto. Minsan, bago sumikat ang araw o sa kalagitnaan ng gabi o dili kaya’y pagkatapos ng aking trabaho. Ngunit hindi ito sa kung kailan at sa kung paano: nagsusulat ako dahil sa kakulangan at patuloy na paghahanap ng pagkakataon. At hindi ito magkahiwalay sa aking pagiging diaspora. Ang kakanyahan ng kung ano ang nabubuo kong storyline o sinisikap kong sabihin ay kadalasang nag-iiwan sa akin ng kahungkagan. Dahil alam kong kalaunan, mauupo lamang ako upang isalaysay sa sarili na ang pagsusulat ay madalas na kusang-loob. Maging ang aking pagpunta rito sa Gitnang Silangan. Parang lagi akong naghihintay ng oras, ng lugar, ng dahilan. Ito ang aking inaasahang karamay: ang pag-iisa.

“Di man ako makakauwi, sana makarating itong balikbayan-box.”

Kasinghigpit ng pag-asa ang paglapat ko ng duct tape sa karton.

Sa panahong nailalapat ko na sa papel ang aking akda, madalas itong nasasayang – hindi lang sa unang pagkakataon o sa pangalawa o maging sa pangatlong beses. Ginagawa ko itong muli, ng paulit-ulit. Mga salita pagkatapos ng pangungusap hanggang maging talata pagkatapos mapupunan ang mga pahina. Isinusulat ko ang alam kong may kaugnayan sa aking buhay, at natutunan kong sarilinin ang mga ito. Sinisikap kong linawin sa sariling and pagsusulat ay hindi ko propesyon, kundi pagtatala lamang. Mananatili akong OFW. Bihira kong nababanggit sa ibang ako’y isang manunulat, sa gayon ay maiiwasan kong itanong nila sa akin: ‘May pera ba sa pagsusulat?’

Nilalabanan ko ang mga pagkabigo, takot at pangamba – mga pagdududa sa sariling kakayanan na hindi ko ikabubuhay ang pagsusulat.

Stay at Home, ayon sa nabasa kong push notifications. Halos araw-araw. Milya-milyang himpapawid ang layo ng Saudi sa Pinas.

Stay strong… yakap ang sarili.

Aasahan kong maraming mambabasa na aangkinin kahit katiting man lang o baha-bahagi ng munting pagninilay na ito nang sa gayo’y may karamay akong yayapos sa pait at sakripisyo. Pagkatapos ay palalayain ko ang aking buntong-hininga at susubukang huwag nang isiping, sa susunod pang mga buwan o baka ilang taon, mabuburo kasama ng mga isinumiteng manuskrito sa mga panawagan at mga pampanitikang proyekto. Sabihin nating isang rejection letter ang katapat ng iilan kong akda. At singsaklap kung walang sagot ang editor o publisher.

Kanina, umakyat ako sa rooftop. Dumungaw. Sintahimik ng mga ligalig. Parang COVID ang nasasaksihang panganib sa pagitan ng espasyo mula sa tuktok hanggang sa dako pa roon.

Inanunsiyo ang total lockdown sa Saudi Arabia noong Marso 21. Nagpasya akong hindi umuwi. Ang aking pananatili, na kung di man isang katatagan, ay pagpapatuloy ng aking pakikipagsapalaran. Lulunukin ko na lamang ang kawalang kasiguraduhan. Magpalutang-lutang ng samu’t saring kwento hanggang sa tatangayin ng paglimot. Katulad sila ng mga nagbabalik-bayang kung di man masumpungan ang mga pangarap pagdating ng panahon, ay may ilang uuwi at makaaahon.

Natanggap ni Mama ang pera-padala.

“Hanggang kailan aabot iyan?” Alam kong hindi sapat pagkasyahin. Pagkain. Kawalan. At kawalang-katiyakan.

Tungkol sa May-akda

Stefani J Alvarez, isang OFW at manunulat mula sa Cagayan de Oro. Nagkamit ng National Book Award ng Manila Critics’ Circle ang kanyang unang librong Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga (Visprint, 2015). Autobiographical at confessional ang estilo ng kanyang panulat. Nalathala ang ilan sa kanyang mga akda sa Liwayway magasin at iba pang antolohiya. Kasalukuyang naninirahan sa Saudi Arabia simula pa noong 2008.