Xavier Axl Roncesvalles
Sinasabing ang kape ay gamot
sa lason ng mga panaginip. Ang mainit
na tubig ang kumakalabit sa nalihis na
kaluluwa pabalik sa sintunadong awitin ng
lungsod, habang ang pinong arabica
ang kumakalikot sa mata upang ito’y
masanay sa miyural ng mga kupas
na pasilyo at patong-patong na papel.
Ngunit ang higit na mahalaga
ay nagsisilbi itong panulak sa
malumbay na sumpa ng umaga: ang
magpakailanmang paglangoy ng sariling
kamalayan sa maitim at malapot na
kanal, ang pagkabingi ng manhid na puso
sa mga busina’t pagbulagta ng katawan,
ang habangbuhay na paglutang ng
aking diwa sa ibabaw ng dilaw na mga
ilaw, ang tanging paglibang ay
ang pakikinig sa palakpak ng
orasan. Ang paglunok sa sumpa ng
kasalukuyan ay pagtitig sa blankong kalendaryo,
ang paghimbing sa tumatakbong
ehe, ang pagtungga sa tasang marupok
sabay sa ‘di mawaring umaga
Naaalala ko ang isang gising
ng nakaraan, kung saan ang usok
ng kalsada ay yumabong at nagging
pulang hamog, ang nakalanghap ay
nagsipag-uwian’t sinundo ng mga nakaputing
kawal ng agham, ang mga kandado’y
nanatiling gising hanggang sa paghikab
ng mga antok na liwasan.
Naaalala ko ang pagmamadali,
ang pagpila nang magkakalayo sa
maigsing pasilyo, ang hakbang ng
aking mga paa’y ginagatong
ng nauutal na ugong ng sikmura. Ang
hapunan ay ang pagnguya sa talumpati
ng radyo, ang pagkilatis sa banyagang lagnat
na sinamahan ng makukunat na
babala. Napipi ang lansangan,
napundi ang mga ilaw, napaos
ang awit ng lungsod. Ang hamog na pula
ay gumapang sa ilalim ng nakasarang bintana,
ang mga kandado’y kinalawang ng mga luhang
dumaloy sa malalamig na katawan; sa mga musmos
na ang tanging hiling ay harinang maitulak sa
lalamunan, sa kaluluwang kinaladkad sa madilim na kanal.
Nawawala na siguro ang bisa
ng kape, ang bangungot ay tumagas
sa umaga, ang araw ay naligaw sa
kawalan. Ang paulit-ulit na hiyaw ng
lungsod ay tigang na huni ng kalapati mula sa
guwang ng lumang katedral, ang kanilang
dalangin ay umaabot sa maalikabok na altar,
umuulyaw sa mga puting, binging pader.
Nagbago na ang sumpa. Ang
blankong kalendaryo ay unti-unting
nasusulatan ng parehong mga
tugma, ang walang kasiguraduhang
kasalukuyan ay napunta sa aking tasa,
maitim, mapait, usok ay malalambing na
daliring humihila pababa sa rumaragasang alimpuyo
kung saan nakahimlay ang kanyang mailap na
anyo: matang nakadilat, magulong
buhok, bunging bibig kung
saan nakakubli ang mga kalapati,
nagsasalo sa huling butil ng kape.
Ang mga palad ay magrasa, magaspang,
nanginginig na mga brasong ginayakan
ng mga tumitibok na ugat, sa ilalim ay ang mga
butong bali na sa bigat ng iniwang diwa.
Ang kilabot ay hindi pa
natatapos, ang pulang hamog
patuloy sa pagngatngat ng hininga.
Nakabilanggo sa bakal na bus, mga
gulong ay tatsulok, manibela’y matigas
at sira. Ang anyo ng ngayon at bukas ay ang
nahintong pagulong ng pelikula, pagtulala sa
nakapakong larawan, pagkalunod sa palakpak ng sinehan.
Naaalala ko ang kuwento ng
kahapon, sapagkat ito pa rin ang
kuwento ng ngayon, ang bukas
ay mananatiling salin lamang nito.
Hangga’t sunog ang mga lansanga’y patuloy
ang mga abong tula, patuloy ang pag-ulit ng anyo
ng umaga. Patuloy ang pagdating ng kabisadong
bukas, sanggol na uhaw sa kislap ng mga panaginip.
Naaalala ko ang bukas,
bintanang malabo, nais aninagin
ang silahis ng mga bituin.