Francis Delgado

KAHIT na mura na siyang gasolina,
maaari naman tayong magbisikleta
kung itatawid ng gútom siyang ating sikmura.
Ganoon tayo katipid sa ating panahon.
Pilay tayong inilalampaso itong likod
nang makarating nawa sa ayuda,
walang mararating na ambulansiya,
siya ngang lumpong di makalalarga.
Ganoon tayong kulang-kulang. Inabutan tayo ng ambón. Tinangay ng malakas na hangin ng bagyo—sapsap
kundi sipsip tayong sinisipsip siyang dugo ng may dugo. Ganoon nang mabúhay. Sa ating panahon
kinalawang silang bakal ng dating panahon.
          Hindi masamang pumaslang sa ating panahon.
Hindi din kasalanang pumaslang ng ating panahon.
Sa ganitong tula:

Unang daluyong
Silang kúyog
Ng mangá bulawang dáhon.
Bumubugang luntiang hangin,
Siyang inihahampas
Sila
Sa sementadong kalsadang sinasagasaan,
At ginagahis
Ng pira-pirasong guhit
Na siyang liyab
Ng Haring Araw.

Kung tayo ay tumutula sa ating panahon,
doon tayo sa hindi matáo sapagkat hindi tayo papalakpakan,
kundi ay sasalubungin ng sirena at siyokoy siyang ating pagtula.
          Sa lalong madaling salita ay ganitong-ganitong síntomás
silang namumukadkad sa hardin na tumubo sa ating pagkakapal
na pagmumukha. Tayo ay siyang suwail at lapastangan—
ganoon sa ating panahon—nagmumura
at walang pagmamahal sa isa’t-isa.

HINAHARAP NATIN ang mangá nagtutulakan sa loob ng tren.
Sa isang iglap ay nahahawa ang mangá nagtutulakan
kasama ang mangá iba pang táo sa kanilang paligid.
Sa madaling salita ay nahahawa silang lahat
kahit na nasa anim na talampakang distansya
mula sa nagtutulakan.
     Ganoon din ang nagiging kapalaran
nilang mangilan-ngilang nasa mangá bangko,
groseri, at palengke—kikilalanin nila ang kanilang mangá sarili
bilang mangá bagong bayani. Ayon sa kanila,
bilang mangá bagong bayani, sumasakanila
ang pribilehiyong maupo sa salumpuwet na para sa mangá
senior citizens, pregnant women at persons with disability.
          Ganoon kataas ang kanilang nagiging antas na sila-sila
din naman ang kumikilala, kung kaya ay tinatanggihan
nila ang mangá food stubs sapagkat hindi nakakain
kagaya ng salaping papel, tanso, at bato.
          Hindi sila ganoon noon o sa kasalukuyan,
kundi ay ganoon na sila sa ating hinaharap—namamatay
silang dilat sa kahihintay ng ayuda habang nakatatanggap
naman ng ayuda ang mangá patay.
          Dati-rati na naman tayong dapat ay nagtatakip ng bibig
sa tuwing umuubo o bumabahing; dati-rati na tayong
naghuhugas ng kamay bagupaman at pagkatapos kumain; dati-
rati nang nirerespeto ang espasyo ng bawat isa, kápuwâ-táo
man, kahayupan o mangá punò at halaman—walang nagbago,
maliban sa paunti-unti nating nilalamon ang ating mangá sarili,
kasangkapan ng sarili nating karimlan.

 

Adíng Kiko, dps
Ika-7 ng Agosto, 2020
Lungsód Ng Maynila

Tungkol sa May-akda

MAKATANG NOBELISTA si Adíng Kiko o Francis Gallano Delgado sa tunay na búhay. Unang edukasyon niya sa San Sebastian College – Recoletos de Manila, at University of Manila. Nang lumaon ay kumuha siya ng kurso sa batas at naging editorial staff sa isang campus ministry newsletter at law journal. Naging honorary member ng lingguhang pahayagang pangkampus na Dawn, napiling makasama sa AILAP Writing Lab at nakapagtapos sa palihan ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), at nakatanggap ng rehistrado bilang awtor/manunulat ng National Book Development Board (NBDB). Lumabas ang kaniyang mangá akda sa Dawn, Dimension, MaMag malayang magasin, Dawn Poets Society, Artikulo Ko To, Ovo | Zen, Philippines Graphic at Ani ng Cultural Center of the Philippines Intertextual Division. Ang kaniyang mangá akda sa Filipino ay ginagamitan niya ng mangá sagisag-panulat. Siya ay isa sa mangá alagad ng panitikang Filipino—tagapagturo, patnugot, mangangatha. Nag-aral siya ng kursong Malikhaing Pagsusulat sa Ateneo at ng kursong Creative Writing sa La Salle.