Anjanette Cayabyab

Biglang tumigil ang nag-iingay na lata— nag-aaklas na sikmura
sapagkat umulan
ng delatang sardinas
kahit hindi naman bumagyo.
Pagkabukas ay dumungaw
ngunit habang isinasaing ang kaning bigay din,
tinitigan ko muna ang mga sardinas.
Ang tatlong isdang mumunti
magkakasingliit at magkakasing-ikli
malamang ay masusing pinili
ayon sa uri,
nang alam ang lata o garapong
kalalagyan.
Walang ulo, buntot at kaliskis
hindi na nga makapag-isip, hindi pa makalangoy.
Sila’y inilata muna bago lunurin sa
pampalasang manonoot at maglilibang sa kanila
habang nasa loob
nang matagal

na panahon,
sapagkat pagkatapos ay sinukluban na’t pinagulong
patungo sa supot
(kasama ang bigas at noodles).
At ang muli nilang pagsilay
naisin man o sapilitan
sa labas ng lata’y
diretso na sa sigwa ng tiyan
upang yakapin ang ikahuling kamatayan.

Kinusot ko ang mga mata ko at isinara ang pinto.
Luto na ang kanin.