Ellamil Danilo Jr.
Mabitac, Laguna

Magandang umaga sa inyong lahat! Nag-breakfast na ba kayo? O dumiretso kayo kaagad dito sa Zoom para sa unang klase natin? Gusto ko lang sabihin na natutuwa ako dahil nag-effort kayong gumising nang maaga para pumasok. Nakakapanibago, ‘no? Heto nga, may hawak pa rin akong tasa ng kape habang nagsasalita.

Kumusta naman kayo nitong nakaraang mga buwan? Grabe, ang dami-daming pangyayari! Dagdag pa ‘yong pagmamadali naming maghanda ng mga syllabus, readings, at activity guide. Wala na nga yata akong oras para sa sarili ko. Para na akong nababaliw. Alam n’yo ba, napapanaginipan ko na ‘yong mga salitang “synchronous”, “asynchronous”, at “remote learning”. Nagugulat na lang ang asawa ko habang natutulog kami kasi bigla na lang daw akong sumisigaw ng mga salitang hindi niya maunawaan! Anyway, since first day pa lang naman natin ngayon, gusto kong i-orient muna kayo sa magiging set-up ng klase natin. Wait, ihahanda ko lang ‘yong ginawa kong presentation.

A, teka, paano nga ba ulit mag-share screen? Nakalimutan ko bigla ‘yong mga itinuro sa amin sa seminar. Tumatanda na talaga. Sandali lang mga anak, tatawagin ko lang ang tunay kong anak para tulungan ako sa pag-aayos dito.

Tingnan mo, Alex, kapag pinipindot ko ‘yong share screen, hindi lumalabas ‘yong ginawa kong Powerpoint. Ay, kasi hindi ko pa nabubuksan ‘yong file? Hahaha! Sorry na, anak. Thank you. Sige, balik ka na sa ka-chat mo. Ang aga-aga, humaharot ka.

Ito na nga, class, makikita n’yo sa unang slide ang survey na ginawa ko bago magsimula ang klase natin. Karamihan sa inyo ay bumoto na mayroong access sa gadget at Internet na kakailanganin natin sa distance learning. Ito ang dahilan kung bakit online class ang napili nating midyum. Para sa mga kaklase ninyong hindi naka-attend sa klase natin ngayon, puwede naman nilang panoorin ‘yong live sa Facebook group natin sa ibang araw. Naku, oo nga, pakitingin nga, class, kung live ba tayo ngayon. Hindi ko yata napindot.

Ha? Hindi tayo live? Patay tayo diyan. Ang hirap-hirap naman kasi nitong situwasyon natin, lalo sa kagaya kong hindi sanay gumamit ng gadget. Alam n’yo na, hanggang Facebook lang naman ako sa phone ko. Tingin-tingin ng mga ganap sa buhay ng mga kamag-anak, kumare, at co-teachers. Sandali, tatawagin ko ulit ang anak ko.

Alexa, may ipagagawa ulit ako! Punta ka muna dito sandali. ‘Wag ka nang magdabog, anak. Hayaan mo, last na talaga ‘to. Promise. Kailangan ko kasing i-live ‘tong klase namin sa Facebook para mapanood ng iba nilang kaklase. Ano bang pipindutin ko? Ganoon lang pala. Salamat ulit, ‘nak!

Nauubos na ang oras natin, class, sa technical difficulties! Pasensya na kayo, ha? Kailangan nating igapang kasi kayo rin naman ang makikinabang dito. Mahalaga ang karunungan na matututuhan n’yo sa school.

So, dahil nga bago ang setup natin ngayon, gusto ko muna kayong makilala. Bago ‘yon, siyempre bilang guro n’yo, ako muna ang magpapakilala. Ako si Ma’am Ivy Tolentino. Labinlimang taon na akong teacher sa Filipino. ‘Di ba, may tugma? Mapag-aaralan natin ito kapag ang lesson na natin ay panitikan. Teka, bakit parang umuunti tayo? Nawawalan ba ng signal ‘yong iba? Sige na nga, bago pa tayo tuluyang maubos dito, mabilis na pagpapakilala na lang bawat isa. Simulan mo, ano ba ‘yan . . . ang liit ng pangalan, hindi ko mabasa . . . Ginoong Gerome Protacio.

Anak, putol-putol ang signal mo. Hindi namin maintindihan. Ganito na lang, ako na lang muna ang magsasalita ngayong araw kasi kung iisa-isahin ko kayo at medyo mahina ang WiFi n’yo sa bahay, sayang lang din ang effort kung hindi natin maiintindihan lahat. Ang assignment n’yo na lang para sa susunod na klase natin, kailangan n’yong gumawa ng isang sanaysay na nagpapakilala sa inyong mga sarili. Maliwanag ba ‘yon? Isa hanggang dalawang pahina lang.

Ngayon ay dumako na tayo sa mga paalala sa klase natin. Sandali, ang ingay ng kapitbahay namin. Pukpok nang pukpok. Mahal, pakisabihan naman si Ka Erning na nag-o-online class ako. Baka puwedeng ipagpaliban niya muna ang pagmamartilyo niya. O, kayo class, ha, kinilig kaagad dahil sa pagsasabi ko ng ‘mahal’ sa asawa ko. Hindi n’yo ba naririnig ‘yon sa magulang n’yo? Kayo talaga!

Okay. Unang paalala, maging magalang sa guro at kaklase n’yo sa lahat ng pagkakataon. Aba, kahit hindi natin kaharap ang isa’t isa, hindi pa rin dapat mawala ang respeto. Ako nga e, para lang ako nakikipag-usap sa screen at nagsasalita mag-isa. Pero alam ko naman na mayroong mga nakikinig sa akin. Alam kong naandiyan kayong mga estudyante ko, ang mga pangalawa kong anak. Sana ganoon din ang turing n’yo sa akin at sa mga kaklase n’yo.

Pangalawang paalala, magsuot ng damit na naaangkop sa klase. Hindi naman sa sinasabi kong mag-uniform kayo. Ang sa akin lang, kahit nasa bahay kayo, magsuot pa rin kayo ng disenteng damit kasi nasa loob pa rin tayo ng klase. Baka naman makita na lang namin ‘yong mga boys na nakahubad kasi mainit! O, huwag kayong tumawa. Seryoso ako. Teka nga, biglang lumiit ang video ko sa Zoom. Paano ba ‘to, class? Sarili ko lang ang nakikita ko. Kapag tinawag ko ‘yong anak ko siguradong magagalit na talaga ‘yon.

Anong sinasabi mo . . . ‘yong nagsasalita? Sorry hindi kita makita kaya hindi ko matawag ang pangalan mo. Baka naka-minimize ako? Anong gagawin ko para bumalik ulit? Ay, itong green na arrow? Okay. Iyan, kita ko na ulit kayong lahat! Ang gaganda at ang guguwapo. Tandaan n’yo ‘yong pangalawang paalala ko, ha.

Next, pangatlong paalala: i-mute ang mikropono kung hindi kayo magsasalita. Alam n’yo kasi, class, ang hirap magturo kung ang dami-daming ingay sa paligid. Baka habang nagtuturo ako ng mga bahagi ng pananalita e, sumasabay ang tilaok ng manok ng tatay n’yo, ang iyak ng sanggol n’yong kapatid, o ang pagsigaw ng nanay n’yo. Mahirap naman kung ganoon. Pero kahit na naka-mute kayo, dapat naka-on pa rin ang video n’yo para nakikita ko kayong nagre-react. Tumango kayo kapag nauunawaan ang mga sinsabi ko. Magtaas ng kamay kung may gustong sabihin. Kailangan natin gamitin ang non-verbal communication sa situwasyon na ito.

Pang-apat na paalala: kailangan n’yong daluhan ang lahat ng sesyon natin na synchronous o dito sa online. Kung hindi kakayanin, siguraduhin na panoorin ang recorded video na nasa Facebook group natin. Kailangan nating magtulungan, class. Ginagawa ko ang lahat ng magagawa ko para maisalin sa inyo ang mga kaalaman kahit hindi natin kasama ang isa’t isa. Ito nga, kita n’yo naman na hirap na hirap ako rito sa Zoom. Pero sinusubukan ko pa rin. Alam kong mahirap din ang situwasyon ng iba sa inyo, at nauunawaan ko iyon. Huwag kayong mahiyang lumapit sa akin kung hindi n’yo talaga kayang matugunan ang mga pangangailangan sa klase natin. Gagawan ko ng paraan, okay?

At ang panghuli kong alaala: alinmang kaso ng hindi magandang asal na naipakikita online ay ipaaalam sa magulang. Tama ang narinig n’yo. Kaya sana, habang nasa klase tayo, kahit naiinip na kayo at gustong-gusto nang umalis sa Zoom, huwag n’yo naman akong bastusin. At huwag na huwag n’yo ring gagawing excuse na nawalan kayo ng Internet kaya bigla kayong nag-leave! Makonsensiya ka—

Hala, biglang nag-close ang Zoom. Alexa, anong gagawin ko? ‘Wag mo akong pagtaasan ng boses. Nagpapatulong lang ako. Baka gusto mong kuhanin ko ‘yang cellphone mo nang matigil ang pakikipag-chat mo. Tandaan mo kung sino’ng bumili niyan.

Iyan, class, sorry kung bigla akong nawala. Mayroon ba kayong mga tanong at paglilinaw?

Tungkol sa May-akda

Si DJ Ellamil ay isang mag-aaral ng AB Filipinolohiya sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. Siya ay naging fellow sa ikatlong Amelia Lapeña Bonifacio Writers Workshop, ikalawang GlobalGrace-UP National LGBTQ Writers’ Workshop, at iba pang pambansang palihan sa pagsusulat. Nailathala rin ang kaniyang mga akda sa Liwayway, Metro: Antolohiya, Aksyon: Dagli ng mga Eksenang Buhay, at iba pang antolohiya at journal sa bansa.