Ika-1 ng Abril 2022

Mensahe mula kay Dante Francis M. Ang II, Tagapangulo ng Pambansang Lupon sa Pagpapaunlad ng Aklat (NBDB)

Birtuwal na Pagbubukás ng Buwan ng Panitikan: Muling Pagtuklas sa Karunungang Bayan

Kagalang-galang Arthur P. Casanova, Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino; 

Dr. Benjamin M. Mendillo, Jr., Fultaym na Komisyoner at Kinatawan ng Wikang Ilokano;

Dr. Carmelita C. Abdurahman, Fultaym na Komisyoner at Kinatawan ng Wikang Samar-Leyte;

Kagalang-galang Arsenio “Nick” Lizaso, Tagapangulo ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA); 

Kagalang-galang Eladio E. Gonzalez, Jr., Alkalde ng munisipalidad ng Balagtas, Bulacan;

Kagalang-galang Antonio Raymundo, Jr., Alkalde ng munisipalidad ng Orion, Bataan;

Kagalang-galang Honey Lacuna, Bise Alkalde ng lungsod ng Maynila; at

Dr. Michael M. Coroza, Tagapangulo ng Pambansang Lupon sa Wika at Salin (NCLT) at ng Buwan ng Panitikan Technical Working Group,

Pagbati sa inyong lahat!

Sa ngalan ng National Book Development Board, ikinalulugod kong anyayahan kayong lumahok sa mga inihandang pagdiriwang ng Komisyon sa Wikang Filipino para sa paggunita sa ika-dalawang daan at tatlumpu’t apat (234) na kaarawan ni Gat Francisco “Balagtas” Baltazar, isang dakilang makatang Filipino na may hindi matatawarang ambag sa ating panitikan, at para sa pagsisimula ng  Buwan ng Panitikan na may temang “Muling Pagtuklas sa Karunungang Bayan.”

Bilang paglahok sa mga kaganapan sa Buwan ng Panitikan, ang NBDB ay mayroong iba’t ibang aktibidad para sa ating mga manunulat, mambabasa, at malikhain.  Mula Abril hanggang Oktubre, tampok ang ika-labintatlong Philippine International Literary Festival o PILF na may temang “Síbol: Charting a World Redrawn.

Para simulan ang PILF, dadalhin ng NBDB ang mayamang kapuluan ng kuwento natin sa London Book Fair na gaganapin sa Olympia, London mula ika-lima hanggang ika-pito ng Abril. Isa ang London Book Fair sa mga pandaigdigang lugar para sa mga negosasyon at pangangalakal ng karapatan para sa cross-media adaptation ng mga produktong pang-imprenta, audio, telebisyon, musika, at pelikula. 

Patuloy din naming isinasagawa sa buong bansa ang Book Nook,  isang programa kung saan nagtatayo ang NBDB ng mga espasyong nagsisilbing aklatan sa iba’t ibang pook sa Pilipinas. Layunin nitong siguraduhin na mas maraming Filipino ang makapagbabasa ng kanilang mga paboritong akdang Filipino. 

Tunghayan din ang simula ng buwanang livestream events na Author on Author series at Post-Pandemic Futures ngayong Abril. Tampok sa Author on Author ang talakayan ng dalawang manlilikha tungkol sa kanilang proseso at karera. Mag-iimbita kami ng mga doktor na manunulat para sa unang Author on Author session. Tatalakayin nila ang kanilang pangkalahatang karanasan bilang manunulat at mga rekomendasyon para sa ating muling pagsibol mula sa pandemya. Sa Post-Pandemic Futures naman, pag-uusapan ang estado ng industriya ng paglalathala.

Pagdating ng Mayo, sumali sa mga kapana-panabik na virtual tours at makisalamuha sa mga kapwa mambabasa. Tuklasin ang marami pa sa mga independent bookstore sa buong bansa sa My Book, My City. Alamin ang mga sariling koleksiyon ng inyong mga paboritong manunulat at artista sa Show Your Shelf.  Talakayin naman ang isang tampok na aklat kasama ang mga paboritong manunulat at mambabasa sa mga sesyon ng The Book Club.  Papangunahan ni Edgar Calabia Samar ang unang sesyon nito sa ika-dalawampu’t pito (27) ng Mayo. Ang PILF ay magtatapos sa Oktubre tampok ang mga pagtatanghal sa The Chill Session para makasama ang mga paborito nating makata at mga musikero.

Sa ating pagsibol sa panibagong mundo, higit din na pinapaigting ng NBDB ang pagpapaunlad ng mga talento ng mga malikhaing Filipino sa pamamagitan grants. Kabilang dito ang Creative Nation Grant, National Book Development Trust Fund, Publication Grant, Translation Grant, at marami pang iba. Para ito sa mga manunulat, may-akda, tagapagsalin, nagbebenta ng libro, at tagapaglathala.

Sa gitna ng pagbabago ng direksiyon ng ating panahon, gamitin natin ang pagkakataong ito para tingnan ang mga naratibo ng ating karunungang bayan at kasalukuyan upang iguhit ang ating mundo na handa na muling sumibol. Sa mga nakahanay na aktibidad para sa Philippine International Literary Festival at Buwan ng Panitikan, kasama ang Komisyon sa Wikang Filipino at Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, inaasahan ng NBDB na ang buwan ng Abril ay magiging daan upang higit pa nating maiangat ang mga obra ng  mga manlilikhang Filipino at mapatibay ang kakayahang magbasa at mag-isip nang kritikal ng mga mambabasa.

Tara na’t ipagdiwang ang mayamang kapuluan natin ng kuwento ngayong Buwan ng Panitikan. Maraming salamat po at mabuhay po tayong lahat!

-END-