Ika-14 ng Oktubre 2020, 3:00PM
Ang NBDB ay itinatag upang paunlarin at palaguin ang industriya ng paglalathala ng aklat dito sa Filipinas.
Pangunahing layunin ng NBDB ang makilala, maitala, at marehistro ang mga manggagawa sa industriya tulad ng manunulat, ilustrador, editor, at tagasalin at ang mga kompanyang naglalathala, naglilimbag, nagbebenta, at nag-aangkat ng libro, at ang mga gumagawa ng papel at iba pang gamit sa paggawa ng libro.
Kapag nakarehistro ang isang manggagawa o kompanya sa NBDB, maipaaabot ng gobyerno, sa pamamagitan ng NBDB, sa mga nakarehistro ang anumang kaalaman tungkol sa mga insentibo para sa mga indibidwal at kompanya.
Dahil mahalaga ang libro sa kalinangan ng bansa, nakikipagtulungan ang NBDB sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Dahil mahalagang makabasa ng mga akdang Filipino at magkaroon ng mga aklat sa mga paksang walang gaanong nasusulat na libro, pinangangasiwaan ng NBDB ang National Book Development Trust Fund (NBDTF) upang matulungan ang mga manunulat na tapusin ang kanilang manuskrito sa mga nasabing paksa. Marami nang ginawaran ng NBDBTF at ilan rito ay nalathala na rin.
Dahil mahalaga ang kalidad ng libro, katuwang din ng NBDB ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Manila Critics Circle (MCC), at Philippine Board on Books for Young People (PBBY) upang kilalanin ang pinakamahuhusay na librong inilalathala sa bawat taon sa pamamagitan ng paggawad sa National Book Award (NBA) at National Children’s Book Award (NCBA).
Upang makatulong sa pagbenta ng mga librong gawa ng Filipino, lumalahok ang NBDB sa Manila International Book Fair (MIBF) at iba pang book fair sa ibang bansa gaya ng Frankfurt International Book Fair, London Book Fair, Bologna Children’s Book Fair, Asian Festival of Children’s Content, at iba pa. Ang mga kinatawan ng NBDB ay nagdadala ng NBDB Catalog ng mga librong nais ipakilala at itaguyod sa ibang bansa. Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan ang NBDB sa mga interesadong magsalin ng mga aklat mula sa Filipino patungo sa ibang wika. Malaki ang tulong ng mga mambabatas na nais itaguyod ang mga libro at kulturang Filipino sa buong mundo sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaukulang salapi para sa mga book fair at pagsasalin. Mahalaga din ang tulong ng mga embassy o consul sa mga bansang pinagdadausan ng mga book fair.
Dahil mahalaga na mapanatiling mulat ang ating mga manggagawa tungkol sa kanilang mga karapatan, katuwang ng NBDB ang IPOPHIL at National Library of the Philippines sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa copyright at sa pagrehistro ng mga akda sa pamamagitan ng pagkuha ng International Standard Book Number (ISBN).
Upang mabawasan ang gastos ng mga naglalathala at naglilimbag, pinapangasiwaan ng NBDB ang Tax and Duty Free Importation of Paper, Zero-Duty Importation of Capital Equipment, at Income Tax Holiday. Katuwang ng NBDB ang Department of Finance (DOF) at Board of Investments (BOI) ng Department of Trade and Industry (DTI) sa paghahatid ng ganitong mga insentibo sa mga nakarehistro sa NBDB.