Radney Ranario
Tahimik na litanya ng takot
ang mahahabang kalsadang
nilisan ng mga paa.
Bawal ngayon ang pagkislot.
Kung liglig ng ligalig,
manatili sa bahay.
Pangangahas bawat lakad,
pagsupil sa kaba ng dibdib,
paghamon sa iwing buhay.
Parang pagpapatiwakal
o alinmang malapit doon
na ‘di mo mapangalanan.
Sinisikap mong ikubli sa maskara
ang sikad ng pulso, pangangatog
ng tuhod habang pumupukol
ng titig sa katabing inuubo:
laway ang pangalan ng panganib
na kasabwat ng hangin.
Parang manipis na pisi ang kalsada
na mabilis mong tinutulay.
Sa ibaba, kamatayan.
Kung gabi, nakatutok ako sa ulap.
Mapusyaw ang wisik ng bituin
at sinasagpang ng dilim ang langit.
Tungkol sa May-akda
May-akda si Radney Ranario ng Paglusong: mga tula (UST Publishing House), nominadong aklat sa National Book Awards, 2018. Kasalukuyan syang nagtuturo sa National University, Manila.