Roda Tajon
Umusal ng dasal sa bawat pagtakal
Sa latang bigasan. Suwerte na
Kung tatagal pa ng ilang araw
Ang ‘sang supot na grasiyang anila’y
Pang-dalawang linggo. Damihan kayâ
Ang tubig galing sa kalawanging poso
Mainam nang malabsa ang nasa hapag
Bukas makalawa, wala ng baryang
Mahuhugot sa butás nang bulsa.
Kung maghahanap ng ulam ang mga bata
Pitasin ang malunggay ng ulyaning kapitbahay,
Lahukan ito ng nangingintab na susóng kinalap
Ng natenggang asawa, pampalasa
Sa maputlang sinabawan. Maano man lang
Na may sumayad na init kahit ‘sansaglit
Sa sikmurang bukas o makalawa’y
Magsisimula nang mag-alimura.
Ay, kay hirap maghintay
Sa mumóng ipinangako. Nasimsim na
Hanggang sa malimas ang ‘samperang
sustansiya saka pa lamang iaamot,
kung may pira-piraso pang butil na aabot
Sa nangatuyo nang mga palad.
Ora de peligro
Tatalilis na parang mang-oomit
Sa gilid, sa lilim o sa’ng lunggati—
Mag-i-is-is ng kukong nangamatay
Maggugupit ng buhok na garutay
Magsusulsi ng pantalong nawarak
Mag-aalok ng halaang nilumot
At maglalako ng naluray na kangkong.
Hamo nang parang dagang pumupuslit
Sa hilera ng namatandang bantay
Hingal, hibik ng tsinelas impitin,
Kung susuwertehin, makapag-uuwi
Ng barya-baryang pambili ng bigas
Kung mamalasin ay mapapangiwi
Sa bigwas ng batas na kumikiling.