Sir Ahyet TV

Itatago ko muna
Ang sarili sa kahon
Walang ingay
Walang tanong
Wala ‘ni kanin
Miski tutóng.

Itatago ko muna
Ang sarili sa kahon
Mahinahon;
Hindi nakikita
Ang mga panambitan
Ng mga kumukulong tiyan.

Itatago ko muna
Ang sarili sa kahon
Sasang-ayon
Sa proseso
Upang maibsan
Ang sakit na iniiwasan.

Itatago ko muna
Ang sarili sa kahon
Kasama ang tákot
At pangamba
Na bakà búkas
Wala ka na.

Itatago ko nalang
Ang sarili sa kahon
Sa ilalim ng krus
Kung saan nila ko binaón
Tahimik, payapa
Hindi na muling makakahawa.