Kristian Cordero
FACE MASK
Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa’yong mukhang hindi ito ang kanyang mukha.
O mananatili ka na lamang sa paniniwalang ito ang ipinamumukha sa’yong mukha.
Huwag mong ipamukha sa akin na natatakot ka ngayong hindi ka nakatitiyak
kung sino ang kamukha mo sa ngayon. May inaasahan ka pa bang ibang mukha?
Ikaw ang aking deboto at sa hawak kong mukha matagal mo nang sinasabi
ang iyong magkakamukhang dasal, walang kamukhang mga alinlangan
at pagkukunyaring may mukha kang laging hinaharap sa akin, o sa amin—
sa hawak kong mukha. Nakikita mo na ba ang aking mukha?
O lagi’t laging hindi naman ang mukhang hindi naman ito ang kanyang mukha
ang nakikita—kundi ang sariling mukha dahil tayo talaga ang magkamukha,
dahil parehas sa ating ipinamumukha na wala tayong mga mukha. Maliban
sa kanyang pinahihirapang mukha. Mukhang naniniwala ka na sa nakikita mo.
Ako ito, ang gusto kong ipamukha sa’yo. Hindi mo kailangang manghiram
ng mukha sa aso, kabayo o sa mga ginawang maskarang magkakamukha.
Tingnan mo ang hawak kong panyo. Ipinamumukha nito na wala akong pangalan,
wala akong mukha maliban sa kung anong mukha ang naitala sa telang lino.
Ito ang mukhang aking kamukha, ang utang kong mukha sa kanya,
nang minsang ipinamukha natin sa lahat ng mukhang makakapal ang mukha
na walang silbi ang kahit anumang mukha, kahit kamukha ka pa ng maykapal
na nagpakapal ng lahat ng ito: ang kamukha nang kamukha nang kamukha sa kapal.
ANG KALUNGKUTAN SA MATA NG DAGA
Patay na daga na mukhang pusa ang nakita ko sa daan kanina.
Maaaring buong gabi na itong nakaratay doon. Baka nasagasaan
o baka rin dahil sa sobrang taba niya para sa isang daga bigla
na lamang ito bumagsak at doon na rin natigbak. Walang bakas
ng anumang dugo o sugat. Walang tama ng baril. Dahil sino naman
ang mamararil ng mga daga? Hindi rin naman ito marahil ginahasa.
Sa bukid, hinahanap sila para gawing pulutan, sa mga lungsod,
hindi sila nabibilang at hindi na rin mabilang-bilang.
Kung siguro’y nakahandusay na ibon ang nakita ko—
baka sakaling magtatangka pa rin akong pulutin iyon
upang buhayin, papatihayain gamit ang dulo ng sapatos
at uusisain hanggang sa lumabas at magpakita sa akin
ang lehiyon ng mga ginambalang langgam—mistula silang
mga nasunugang lumilikas mula sa loob ng patay na palang hayop.
(Bawat isa sa mga langgam ay may bitbit na laman ng ibon
na parang galing sa pila ng komunyon o sa nanunuhol ng rasyon.)
Taglay ang tinig ng isang angel, sabay-sabay silang magsasalita
at pagsasabihan akong Umalis ka na dito. Wala rito
ang hinahanap mo. Nilisan na ito ng nalalabing hininga.
Sa pagkakarinig sa kanila’y lulukuban naman ako ng matinding
uri ng pamamanglaw para sa lahat ng mga ibon ng mundo.
Mga ibong hindi ko nailigtas. Mga ibong pumanaw katulad
ng mga anak ni Eba. Saka ko maaalala ang mga nobela, tula,
awit, kambas, pelikula tungkol sa mga ibong dapat na lumilipad
katulad na dapat ring nagtatago ang mga daga sa silong o sa dilim,
nagnanakaw ng makakain at nang sa gayon magising
ang mga antuking pusa. Sadyang mahirap ang buhay-daga
kaya’t hindi sila dapat nagtitiwala sa anumang ibang buhay
na nilalang o nararapat lamang na hindi sila magpakita sa akin:
ako na namamanglaw sa mga patay na ibon
at hindi sa mga patay na daga.
Kung tiiisin parang nakaisa ako sa kawawang dagang iyon,
kasama ang mga kabulig ko sa kalinisan, urbanidad at kultura
na nagtataguyod na ang lahat ng daga’y mapuksa sa balat ng lupa.
Kaya’t mabuti ngang nangyaring namatay ang dagang ito
at tiyak na sa pagdaan ng iba pang tao doon, tatanggapin nito
ang pinakamasakit na pagtatatwa, o malamang wala na ring papansin
dito dahil mukha lang naman itong naitapon na bato—ngunit baka
may isa sa atin ang biglang makaramdan ng pangangailangang
ipagluksa yaong daga, makipagtitigan sa kilabot na nasa kuko ng hangin,
sa nanghahamak na sinag ng araw, sa nanuksong lamig ng aspalto,
sa parating na ulan na ihi ng mga anghel na marahang-marahang
hinihimay-himay ang laman ng patay na hayop, bukas na nakatirik
ang isang matang hindi pa nauubos ng mga langgam—
nakaharap sa kalangitan: ang kawalan tumutumbas sa kawalan.
ANG KALUNGKUTAN SA PRUSISYON
Walang makatutunton sa lahat ng tamis ng mundo
maging ang mga pinakamababagsik na langgam
sapagkat hindi tinutulot na maubos ang lahat sa lahat.
Kahit na tipunin pa ang lahat na langgam na nangamatay
simula’t sapul pa ng paglikha ng daigdig at isama na rin
ang mga darating pang mga langgam— hindi nila kakayanin
na pakinabangan ang pulut-pukyutan ng buong sangtinakpan.
Kahit na makipagkasundo pa sila sa lahat ng kanilang mga kauri
o sa hukbo ng mga bubuyog, higad, o mga alibangbang.
Hindi nila mahuhuli ang linamnam ng laman, ang lasa ng gunita.
Dahil ganito binabalanse ang kapakanan laban sa karapatan:
May mararating ang mga langgam na kailanma’y hindi
mararating maging ng pinakamalakas, pinakamatalinong tao.
Dahil pantay-pantay tayo sa ating mga kakulangan,
sa kung ano ang hindi tayo, sa kung ano ang hindi natin kaya.
Ito marahil ang binubulong ng langgam sa kapwa-langgam
tuwing magkakasulubong sila: ‘Hindi ito kayang gawin ng tao.’
O, ‘mag-ingat nararamdaman tayo ng bata.’
Lamang ang mga langgam dahil hindi natin mararating
ang iba pang kahariang ng tamis na tanging silang gumagapang
lamangang makaaalam kahit na maniwala pa tayo sa kapatawaran
ng ating mga pagkakasala o sa buhay na walang-hanggan,
o kahit na managinip pa tayo ng laksa-laksang langgam
o paisa-isa silang magpakita sa atin sa mga garapon,
sa mga nitso, sa tsupon, sa takure, na hindi rin natin
sila maubos-ubos na malipol dahil hindi rin naman
nila kailangang matubos sa kanilang mga pagkakasala
at dahil hindi naman natin sila mapagbibintangang
mga magnanakaw kung kainin nila ang itinatago nating arnibal
o kung magpiyesta sila’t manginain sa nabubulok na laman.
Tanggapin nating wala tayong laban sa kanilang mga hukbo
kahit na gawing kakampi pa natin ang takipsilim
o kahit sabihin pa nating hindi na mahulugan ng karayom
ang mga siksikang pagtitipon at pagbubuklod
o ang mga parada’t prusisyon na nakahanay tayo,
binabagtas, binabaybay, binabawi itong takdang daan
na para tayong mga langgam na inaakay papunta
sa isang patay na ahas, batam-bata, dinurog ang ulo
at saka binuhusan ng kumukulong tubig ang nangingintab nitong lawas.
Ilang sandali lamang at nakapila na ang mga langgam
para sa irinarasyong tamis ng kamatayan, ang sustansyang
handog ng kamandag. Hawig ang pila ng mga insekto
sa mga debotong nakapalibot at sumusunod sa nagliliwanag na karo
ng Entierro. May sinasabi ang mga nagkakasalubong: maaaring
pinag-uusapan nila ang naiwang lason mula sa lawas ng ahas—
kung gaano ito katamis at kung paano nito pinapatalim ang kanilang
mga ngipin o pinalalakas ang kanilang tumutubong pakpak at pangil
ang gaganap sa kanilang pagiging mga langgam.
Habang patuloy namang nag-uusap-usap ang mga matatanda
tungkol sa maaaring pagtaguan ang iba pang nakabuhing kapatid
ng napatay na ahas o lalong lalo na ang ina na tiyak na gaganti—
ngunit mahaba man ang inabot ng kanilang mga palagay at hinala
wala naman sa mga gurang ang magtatangka pang hanapin
ang ibang ahas, hihintayin na lamang nila ang pagdating ng sunod
na ulupong na maliligaw katulad ng pagdami ng mga langgam
sa garapon ng asukal o sa kinalburong dingding, hihintayin na lamang
nila ang sunod na pagpapakita ng ahas katulad ng kanilang pag-aabang
sa taun-taong pagdaan ng mga pasos ng prusisyon—na sa hinaba-haba,
dinami-dami ng mga dasal, ng mga paghinto at pagtayo, ng pag-aabang
at pag-usad sa paghahalo-halo ng ating dibdib ng pananalig at ligalig,
hindi na natin alam kung ano ang minsang kumagat sa atin:
ang naghihiganting ahas o ang isa sa mga langgam na nakinabang
sa inimbak na kamandag mula sa tigbak na lawas,
yaong lasong lalong naging mabagsik sa loob ng ibang kulo.