KR Gonzales
Ang mga daliri ng orasa’y
Tila naglalaho na parang bula
Hindi mawari kung kailan tatagal
Daloy na walang katiyakan
Lapit ka’t tumitig
Nakikita mo ba?
Totoo o hindi?
Lumalabo na ata.
Putol-putol, naririnig
Mga asong nakawala
Kahol nila’y umuusig
Sa nananahimik na hawla
Pumupuwing sa mundo
Hindi lang basta mikrobyo
Kundi kabuktutang sistema
At mga lingkod ng mga payaso
Ano? Ha? Mataba?
Ah, pawala-wala
Shopping? Shoppee?
Ah, oo choppy
Ninanais tumagos
nitong lambing at haplos
ng kaluluwang bumubuhos
Sa teknolohiyang kapos
Nakakapagod mahal ko,
Ano kaya’t tumakas tayo?
Isla, bundok, saan mang dako
Tayo kaya’y magpakalayo?
Laban sa sinumpaang tungkulin
at gyera ng konsensya
Wala na ba talagang mapagtanto?
Unmute ko na ba ito?