
Ngayong nasa ikalawang taon na, pinapangasiwaan ang kontes ng Aklat Alamid, isang independent publisher ng mga librong pambata, katuwang ang mga ahensiya ng National Book Development Board (NBDB) at Philippine Board on Books for Young People (PBBY), ang mga organisasyon ng mga manunulat na Davao Writers Guild (DWG) at Nagkahiusang Magsusulat sa Cagayan de Oro (NAGMAC), at ang publishing house na ABC Children’s Books ng Kidapawan, Cotabato.
Sa nakaraang taon, nagwagi ang kuwentong “Ang mga Nagalupad nga Isda” (Binisaya) ni Xaña Angel Eve M. Apolinar ng Maitum, Sarangani. Naging finalist naman ang mga kuwentong “Si Poleleng di Pephaigo” (Meranaw) ni Janipah Mapandi Noor ng Dit-saan Ramain, Lanao del Sur, ang “Mastal Ku iy Abdul” (Bahasa Sug) ni Abdul Haiy A. Sali ng Isabela, Basilan, ang “Baryo Tae” (Binisaya) ni Elizabeth Joy Serrano-Quijano ng Matanao, Davao del Sur, at ang “Ang Tagong Kalibutan sa Batang Pangit” (Binisaya) ni Arlou Guabong Gubat ng Kidapawan, Cotabato. Nagsilbing mga hurado ang premyadong manunulat na si Sigrid Gayangos ng Zamboanga City, ang PBBY Chair na si Tarie Sabido ng General Santos, at ang awtor at publisher na si Mary Ann Ordinario ng Kidapawan.
Para sumali sa kontes ngayong taon, narito ang mekaniks.
1. Maaaring sumali ang sinumang ipinanganak o nakatira nang hindi bababa ng isang taon sa alinmang rehiyon ng Mindanao, i.e., Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, Davao, o SOCCSKSARGEN.
2. Ipapasa ang isang maikling kuwentong isinulat na ang mga batang 6-9 taong gulang ang pangunahing inaasahang mambabasa. Hindi maaaring lumampas sa 1,000 salita ang buong kuwento.
3. Isusulat ang kuwento sa alinmang wikang ginagamit sa Mindanao, maliban sa Ingles, Filipino/Tagalog, o wikang banyaga. Kailangan itong samahan ng salin sa Ingles o Filipino/Tagalog.
4. Walang temang susundan ngayong taon, ngunit kailangang orihinal na likha ang kuwento at hindi muling pagsasalaysay o paghahalaw ng isang kuwentong bayan o ng anumang naunang akda.
5. Ipapadala ang kuwento bilang kalakip ng isang email sa [email protected]. Ilalagay sa subject ng email ang USBONG 2020 at sa loob nito ang buong pangalan ng sasali, bayan at/o probinsiya, wika ng kuwento, at maikling pagpapakilala ng sarili.
6. Sa 31 Disyembre 2020 ang huling araw ng pagpasa ng mga lahok. Maaaring magpadala ng higit sa iisang kuwento ang sinumang sasali.
7. Mula sa mga ipinasang kuwento, pipili ang isang lupon ng mga hurado ng isang mananalo at isa hanggang limang karangalang banggit. Tatanggapin ng mananalo ang ₱10,000.00, sertipiko, at alok na mailathala ang kaniyang kuwento. Tatanggapin naman ng bawat karangalang banggit ang ₱5,000.00 at sertipiko. Iaanunsiyo ang resulta ng kontes bago ang 31 Marso 2021.
Para sa mga paglilinaw at tanong, magpadala ng mensahe sa [email protected].